Nananawagan si retired Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio ng panibagong arbitration case laban sa China.
Ito ay dahil sa tuloy-tuloy pa ring pagpupumilit ng China na angkinin ang mga maritime feature sa West Philippine Sea, kahit na mayroon nang inilabas na ruling ang Permanent Court of Arbitration noong 2016 na pumapabor sa Pilipinas at nagbabasura sa nine dash line claim ng China.
Ayon kay Carpio, sa ilalim ng pangalawang arbitration case ay maaaring humingi ang Pilipinas ng compensation sa mga danyos na iniwan ng sunod-sunod na ramming at dangerous maneuver na ginagawa ng mga Chinese vessel sa mga barko ng bansa.
Maari din itong pipigil aniya sa mga susunod pang agresyon ng China sa WPS.
Paliwanag ni Carpio, kapag mayroon nang naihain na arbitration, hindi na dapat pinapalala ng China at Pilipinas ang sitwasyon sa naturang karagatan.
Ngunit kung itutuloy ng China na gawin ang mga mapanganib na maniobra, pagbangga sa mga barko, atbpa, tiyak aniyang magiging mahigpit ang tribunal sa China.
Paubos na aniya ang mga mapagpipilian ng bansa ang kung ipagpapatuloy lamang ng Pilipinas ang istratehiya sa WPS ay posibleng maubos lamang ang mga barko ng bansa dahil sa tuloy-tuloy na pamamanga ng mga Chinese vessel.
Naniniwala rin si Carpio na kung mayroong panibagong arbitration ruling na papabor sa Pilipinas ay tiyak nang magbabaon sa claim ng China sa WPS. Ito aniya ay maaari ring kinatatakutan ng China.
Taong 2013 noong inihain ng Administrasyong Aquino ang unang arbitration case laban sa sunod-sunod na agresibong aksyon ng China sa WPS. Lumabas ang resulta nito noong 2016, na nakilala sa buong mundo bilang 2016 Arbitral Ruling.