-- Advertisements --

DAVAO CITY – Sa unang pagkakataon, mayroon nang dumulog sa Anti-Scam Unit ng Davao laban sa Kabus Padatoon (KAPA) Community Ministry International, Inc.

Ayon sa 66-anyos na hindi na pinangalanang biktima, nakapag-donate siya sa KAPA ng P255,000 nitong Abril 30 na naganap sa Tagum City.

Sa darating na Agosto niya sana inaasahan na matanggap ang tubo sa kanyang nai-donate pero nag-alala na nang hindi na niya mabawi pa ang kanyang pera dahil sa utos na ni Pangulong Rodrigo na ipasara ang KAPA.

Ayon sa complainant, ipon niya noong nagtuturo pa ang perang inihulog sa KAPA.

Isinampa nito ang reklamo upang mapabilang siya sa babayaran ng pamahalaan dahil wala pa siyang natanggap na tubo ng kanyang na-donate na pera sa KAPA.

“Kung may paraan pa para maibalik ang P255 na libong peso na nai-donate ko sa KAPA. ‘Di pa ako nakatanggap ng tubo sa nai-donate ko. Pinapamulta na rin ang KAPA, kaya wala na silang kakayahan na makapagbayad pa. So, I presumed na ang gobyerno na ang magbabayad na,” pahayag ng gurong biktima.