BACOLOD CITY – Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga pulis ukol sa pagkamatay ng isang retiradong guro sa Himamaylan City, Negros Occidental, na natagpuang naaagnas na sa loob mismo ng kanilang bahay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Police Lt. Col. Glenn Provido, hepe ng Himamaylan City Police Station, maaaring ilang araw na ang nakararaan mula nang pinatay ang biktimang si Sharon Fejidero.
Ito’y dahil nasa advanced state of decomposition na ang kanyang bangkay nang ito ay madatnan sa kanyang bahay sa Barangay 4.
Natuklasan ang bangkay makaraang magreklamo ang mga residente sa lugar ukol sa masangsang na amoy galing sa ancestral house ng biktima at nang pinasok ng pulisya, tumambad sa kanila ang naaagnas na katawan.
May packing tape umano ang bunganga ng biktima at mayroong hematoma sa kanyang ulo.
Pinaniniwalaan namang namatay ang 54-anyos na biktima dahil sa suffocation.
Sa imbestigasyon ng mga otoridad, dumaan ang suspek sa bintana sa likod na bahagi ng bahay dahil tanggal na ang grills dito.
Inaalam pa kung pinagnakawan ang biktima bago pinatay.
Nabatid na nag-iisa lang ang dating guro sa kanilang bahay dahil wala itong pamilya.