Tumaas pa ng P20 kada kilo ang retail price ng manok 2 araw bago ang selebrasyon ng bagong taon.
Base sa monitoring ng Department of Agriculture (DA), umaabot na sa P210 ang kada kilo mula sa dating P190.
Kinumpirma ni Agriculture Assistant Secretary and spokesman Arnel de Mesa ang bahagyang umento sa presyo ng agricultural commodities ngayong holiday season na inaasahan pang magtatagal hanggang sa mismong pagsalubong ng bagong taon.
Aniya, nakapagtala ang DA ng pagtaas sa retail price ng manok bagamat tiniyak naman ng opisyal sa publiko na patuloy nilang babantayan ang paggalaw sa mga presyo ng mga ito.
Samantala, sa karneng baboy naman sa retail price naman ng pork ham ay mabibili sa pagitan ng P270 at P370 kada kilo at pork belly o liempo sa pagitan ng P330 at P400 kada kilo.
Ayon pa sa opisyal ang suplay ng agricultural commodities sa buong bansa ay stable at ang upward trend ng food products ay pansamantala lamang.