Posibleng babagsak sa P80/kilo ang retail price ng sibuyas sa mga merkado, kasabay ng pagdating ng mga imported onion mula sa China, batay sa pagtaya ng Department of Agriculture(DA).
Ayon kay DA spokesperson Assistant Secretary Arnel De Mesa, posibleng mararamdaman na ang tuluyang pagbaba ng presyo ng mga sibuyas sa loob ng dalawang lingo.
Mula sa dating P180 hanggang P200 kada kilo na kasalukuyang presyuhan, posible aniyang bababa na ito mula P80 hanggang P100 kada kilo, na pasok na sa target price range.
Ayon sa Bureau of Plant Industry (BPI), tanging 459 metric tons (MT) na pulang sibuyas pa lamang mula sa mahigit 3,000 MT na inangkat ang dumating sa Pilipinas.
Sa puting sibuyas, tanging 200 MT mula sa mahigit 1,000 MT na order ang dumarating.
Ayon kay De Mesa, unti-unti nang tumataas ang supply ng sibuyas sa mga merkado mula sa mga dumarating na imported, kasama na ang malaking bulto ng local supply kasabay ng anihan.
Sa kabila nito ay nananatiling mataas ang presyo ng sibuyas sa mga merkado kung saan sa Metro Manila, naglalaro mula P140 hanggang P240 ang kada kilong presyo ng pulang sibuyas habang P90 hanggang P150 naman ang kada kilong presyo ng puting sibuyas.
Una na ring ipinag-utos ni DA Sec. Francisco Laurel Jr. ang pagsasagawa ng inspection sa mga cold storage facilities para matukoy kung may mga nagtatago ba ng stock ng sibuyas, para manipulahin ang presyo sa mga merkado.