KORONADAL CITY – Nagsasagawa ngayon ng malalimang imbestigasyon ang pulisya kasunod ng pagbaril-patay sa isang miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) sa Banga, South Cotabato.
Ito ang inihayag ni Police Col. Jemuel Siason, provincial director ng South Cotabato sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Kinilala ang biktima na si Jimboy Bansawan, nasa legal na edad at residente ng Sitio Ebenizer, Brgy. Rang-ay kung saan nadestino ito sa 11th Company sa Brgy. Lamba.
Ayon kay Siason, patuloy ang pangangalap ngayon ng ebedensiya upang matukoy ang mga responsible sa pagkamatay ng biktima.
Matatandaan sakay ng kaniyang motorsiklo nang inabangan si Bansawan ng dalawang suspek at pinagbabaril gamit ang kalibre 45 at nagtamo ito ng tama ng bala sa katawan at ulo ang biktima na naging dahilan ng kaniyang agarang kamatayan.
Malaki umano ang posibilidad na kagagawan ng mga kasamahan ng mga suspek na ikinulong sa Banga PNP matapos makuhanan ng improvised explosive device (IED) at granada, kung saan mismong si Bansawan ang nanghuli sa kanila.
Sa ngayon ay nagsasagawa na rin ng hot pursuit operation laban sa mga tumakas na suspek, at hinigpitan ang kanilang seguridad laban sa posibleng paghihiganti ng mga kasamahan nito.