-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Arestado ang isang retiradong miyembro ng Philippine Air Force (PAF) matapos na ireklamo ng panununtok at pambabastos sa Public Safety Officers sa Daraga, Albay.

Kinilala itong si Romeo Manaog, 72-anyos na residente ng Brgy. Bogtong sa lungsod ng Legazpi.

Nangyari ang insidente sa Rizal Street ng Brgy. Market Site, Daraga malapit sa isang branch ng bangko.

Napag-alaman na nagsasagawa ng clearing operation sa lugar ang team sa pangunguna ni Daraga PSO head Reny Portillo nang makarinig ng masasamang salita mula kay Manaog habang itinulak pa nito si Portillo nang sitahin.

Sinuntok rin umano ni Manaog sa kanang dibdib ang isa pang Public Safety Officer Rhonald Allan Vicente na dahilan upang bumagsak ito sa kalye.

Dahil dito, inaresto ng PSO team si Manaog at dinala sa pulisya para sa karampatang disposisyon.

Sinasabing nakaparada sa ‘No Parking Zone’ ang tricycle na minamaneho nito ng mangyari ang insidente.