DAGUPAN CITY — Wala ng buhay nang matagpuan ang katawan ng retiradong miyembro ng Philippine Army na palutang-lutang sa Angalacan River sa bayan ng Mapandan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PCapt. Vicente Abrazaldo, Jr. Officer-in-Charge ng Mapandan Municipal Police Station, sinabi nito na may isang concerned citizen na lumapit sa kanilang himpilan at nag-report ng naturang insidente na kaagad naman nilang nirespondehan katuwang ang Scene of the Crime Operatives.
Nang makarating sila sa lugar at nang baliktarin nila ang bangkay ay dito na tumambad ang mukha ni Eduardo Mendoza, 50-anyos, may asawa, dating Philippine Army, at residente ng Brgy. Sta. Maria, Mapandan, Pangasinan.
Sa kanilang pakikipagpanayam sa pamilya ng biktima, nakausap nila ang kapatid nito na nagsabing lumaban si Mendoza bilang Brgy. Captain sa kanilang lugar sa nakaraang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections 2023 kung saan ay hindi ito pinalad na manalo.
Aniya na dahil dito ay na-depressed umano ang biktima at uminom ito. Simula umano noong gabi pa ng Oktubre 31 ay hindi na ito nakita pa ng kanyang pamilya na inisip na nagpapalamig lamang ito at walang kamalay-malay sa sinapit ng biktima.
Saad ni Abrazaldo na tatlong araw nang nawawala ang biktima bago nakita ang kanyang katawan sa Angalacan River.
Sa pagsusuri naman ng eksperto sa katawan ng biktima ay hindi nakitaan ng anumang senyales ng foul play ang kanyang pagkasawi kaya naman idineklarang pagkalunod ang ikinasawi nito.
Sa kasalukuyan ay nasa pangangalaga ng isang funeral home ang katawan ng biktima kung saan ito ipapa-cremate base na rin sa desisyon ng pamilya nito.