-- Advertisements --

DAVAO CITY – Patay ang isang retiradong miyembro ng Philppine Army matapos na binaril ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek sa Barangay Wangan, Calinan District, Davao City.

Base sa inisyal na imbestigasyon, kinilala ang biktima na si Cresencio Pocdol Lopez Jr., may asawa, 69 anyos, at dating miyembro ng Philippine Army.

Sa impormasyon mula sa Calinan PNP, napag-alamang huminto lamang saglit ang biktima sa gilid ng kalsada upang kumpunihin ang carrier ng kanyang motorsiklo.

Nang paalis na sana ito sa nasabing lugar, bigla na lamang dumating ang dalawang suspetsado na naka itim at puting jackets at walang pagdadalawang isip na binaril ang dating sundalo.

Nahulog sa sinasakyang motorsiklo si Lopez habang ang motorsiklo naman nito ang nawalan ng control at lumihis sa kabilang lane rason upang mabangga ito sa iba pang motorsiklo.

Sa kabilang banda, agad naman na tumakas ang mga suspek papunta sa hindi malamang direksyon.

Agad namang rumesponde ang Calinan Central 911 ambulance ngunit idineklarang wala ng buhay ang biktima.

Nagsagawa rin ang mga personahe ng Davao City Forensic Unit ng imbestigasyon sa crime scene kung saan narekober ang dalawang basiyo ng bala na pinaghihinalaang mula sa .45 caliber pistol.

Nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng kapulisan upang malaman ang motibo at kung sino ang nasa likod ng nasabing krimen.