-- Advertisements --

Iginiit ni retired International Criminal Court (ICC) Judge Raul Pangalangan na ang pagdala kay dating Pang. Rodrigo Duterte sa International Criminal Court bago pa man sinimulan ang pagdinig sa kaniyang kaso ay isang mahalagang parte ng paglilitis.

Maalalang kinukuwestiyon ng kampo ng dating Pangulo ang paraan ng pag-aresto sa kaniya at tuluyang pagdala sa The Hague, Netherlands, at tinawag pang isang uri ng extrajudicial rendition o kidnapping.

Sa isang forum na inorganisa ng University of the Philippines College of Law, ipinaliwanag ng unang Pinoy na naging ICC judge na hindi pinapayagan ng international tribunal ang ‘trial in absentia’ o paglilitis kahit wala ang isang akusado.

Ang warrant of arrest na inilabas ng korte ay ang tanging mekanismo aniya upang masiguro ang presensiya ng dating Pangulo sa ICC at naroon siya habang isinasagawa ang pagdinig.

Sa katunayan aniya, sa ilalim ng International Criminal Law, hindi tinitingnan ang isyu ukol sa kung paano dinakip ang isang indibidwal na may kinakaharap na arrest warrant at tuluyang dalhin sa korte.

Sa mga malalaki at kilalang kaso aniya, hindi pa sinusuri ang legalidad ukol sa paraan ng pagkuha ng korte ng hurisdiksyon sa isang suspek o isang akusado.

Inihalimbawa ng dating ICC judge ang nangyari kay Adolf Eichmann, ang German-Austrian official mula sa Nazi Party na sinentensyahan ng parusang kamatayan dahil sa crimes against humanity, crimes against the Jewish people at war crimes.

Ayon kay Pangalangan, hayagang kinidnap si Eichmann mula sa Latin America, dinala sa Israel, nilitis, at sinentensyahan.

Giit nito, basta’t may hurisdiksyon ang korte sa isang suspek, itutuloy nito ang pagdinig at pagbibigay ng desisyon.

Nagsilbi si Pangilinan bilang Presidente ng Trial Division ng ICC mula 2019 hanggang 2021 kung kailan siya tuluyang nagretiro.

Nagsimula ang kaniyang pagiging judge ng ICC noong March 11, 2012.