BACOLOD CITY – Inihahanda na ng mga otoridad ang kasong isasampa laban sa isang retired colonel ng Philippine National Police na naaresto sa entrapment operation sa Hinigaran, Negros Occidental, kagabi.
Ang suspek na si retired Police Colonel Demosthenes Fernandez, 58-anyos at residente ng Barangay Villamonte, Bacolod City, ay nahuli sa isinagawang operasyon sa Barangay 4, Hinigaran, Negros Occidental.
Ayon sa hepe ng Hinigaran Municipal Police Station na si Police Major Jake Barila, nakipag-ugnayan umano si Fernandez sa kanya at nag-alok na ibebenta nito ang kanyang mga baril.
Matapos ang ilang araw na monitoring, nagkita ang mga ito sa isang restaurant sa Hinigaran kung saan natuklasan ng hepe na marami pang mga high powered firearms ng retiradong heneral.
Dito na isinagawa ang entrapment operation at nakumpiska mula sa suspek ang dalawang .45 caliber pistol, isang 9mm caliber pistol, isang KG9, isang Ingram, isang M16 rifle, at isang M14 rifle.
Ayon sa dating pulis, wala lang itong pera kaya napilitan itong ibenta ang kanyang mga baril.
Sa ngayon, nakakulong si Fernandez sa Hinigaran Municipal Police Station at kakasuhan ng paglabag ng Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.