-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Abot langit ang ngiti ng isang retiradong kawani ng gobyerno makaraang mapabilang siya sa apat na nanalo ng tig-P50,000 sa katatapos na grand draw ng Buena Mano Salvo Year 14 promo ng Bombo Radyo at Star FM.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Clarita Gaffud ng Dalenat, bayan ng Angadanan, Isabela na bagama’t nawalan na siya ng pag-asang manalo sa promo dahil hindi man lamang nanalo sa mga daily draw ay tuwang-tuwa siya nang manalo sa grand draw.

Aniya, gagamitin niya sa pag-aaral ng kanyang anak ang perang napanalunan at ang iba ay gagastusin niya sa pangangailangan nila sa pagbubukid.

Samantala, inihayag naman ni Caridad Meligrito, 42-anyos ng Villa Campo, Echague, Isabela na dahil sa abala siya sa kanyang gawaing bahay ay nakalimutan ang araw ng grand draw at ang kanyang kapitbahay ang nagbalita sa kanya na nanalo ng guaranteed second prize na P10,000.

Sinabi pa ni Meligrito na ipinagdasal niyang manalo siya sa promo at umabot lamang sa mahigit 300 ang kanyang ipinadalang entries.

Kasama umano niyang gumagawa ng entries ang kanyang mister.

Gagamitin niya raw pambili ng telebisyon at pang-allowance ang kanyang napanalunang premyo.