-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Hindi na nagpapigil pa ang mag-asawang Mr. at Mrs. Santiago na dumulog sa himpilan ng Bombo Radyo Koronadal upang humingi ng tulong na maibalik ang kanilang perang pinaghirapan matapos mabiktima ng Kabus Padatoon o KAPA investment scam.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal sa mag-asawang Santiago na kapwa mga senior citizen, umabot sa P405,000 ang kanilang perang ininvest sa KAPA ni Joel Apolinario matapos makumbinsi ng mga kaibigan sa kagustuhang mas gumanda pa ang kanilang buhay.

Ayon kay Mrs. Santiago, tatlong beses silang nag pay-in mula Mayo 24 hanggang Hunyo 6 kung saan ginamit nilang pera ay ang kanilang savings at retirement ng mister na isang dating Overseas Filipino Worker.

Labis ang kanilang panghihinayang sa nangyari sa kanilang pera at hinimok si Apolinario na lumantad na at ibalik ang kanilang mga pera.

Sa ngayon desidido na ang mag-asawa na idulong sa National Bureau of Investigation ang reklamo laban sa kay Apolinario at sa mga kasamahan nito sa investment scam.