-- Advertisements --

Iniulat ng makapangyarihang Quad Committee na kasalukuyang nasa ospital si dating Philippine Charity Sweepstakes Office General Manager at Retired PCol. Royina Garma.

Sa naging pahayag ni Manila Representative Benny Abante, hiniling sa kanila ng tumatayong abogado ni Garma na maipakunsulta sa doctor si Garma.

Aniya, si Garma ay kinakailangan ng agarang medical attention dahil sa kanyang health condition.

Ito aniya ang dahilan kung bakit pinayagan ng komite si Garma na madala sa Cardinal Santos at upang maipa konsulta sa doctor.

Ang desisyon at hakbang na ito ng komite ay kinumpirma mismo ni Sta. Rosa City Rep. Dan Fernandez.

Noong nakalipas na linggo pa aniya humiling ang dating opisyal ng PCSO dahil sa kanyang nararamdamang sakit sa leeg at maging sa bahagi ng likod.

Ito aniya ay hindi pinayagan noon dahil sana sa isasagawang pagdinig ng Kamara.

Bukod dito ay kinumpirma ng mambabatas na hirap lumunok si Garma na posibleng esophageal cancer dahil sa history ng kanilang pamilya.

Tiniyak naman ni Fernandez na hindi nito maaapektuhan ang nagpapatuloy na pagdinig ng komite hinggil sa EKJs ,POGO at Drug War ng nakalipas na administrasyong Duterte.