-- Advertisements --
NAGUILIAN ISABELA 2

CAUAYAN CITY – Dalawang katao ang namatay matapos silang barilin sa Barangay Villapaz, Naguilian, Isabela.

Nakilala ang mga nasawi na sina Edralino Domingo, 63-anyos na dating pulis ng Burgos Police Station at residente ng Kalabaza, Aurora, Isabela; at Jane Tul-o, 45, negosyante at dating Overseas Filipino Worker (OFW).

Si Domingo ay retired police lieutenant, dating barangay kagawad at kumandidatong konsehal ng Aurora, Isabela, ngunit hindi pinalad na manalo.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni S/Sgt. Nicolo Ramirez ng Naguillian Police Station, na ang mga suspek na bumaril sa mga biktima gamit ang M16 armalite rifle ay sakay ng isang puting pick-up na walang plaka.

Tiniyak umano ng mga suspek na patay ang dalawa dahil binaril pa sila sa kanilang ulo.

Umabot sa 24 na basyo ng M16 armalite rifle ang nakuha ng mga miyembro ng Scene of the Crime Operatives sa pinangyarihan ng krimen.

Kaagad na nakilala si Domingo dahil sa mga dalang identification card, habang ang kasamang si Tul-o ay natukoy lamang matapos dalhin sa punerarya ang kanilang mga bangkay.

ambush in NAGUILIAN ISABELA 1

Sa naging panayam ng Bombo Radyo kay Capt. Mary Jane Sibbaluca, deputy chief of police ng Naguilan Police Station, patuloy ang kanilang imbestigasyon para matukoy ang mga salarin at motibo sa pagpatay sa mga biktima.