-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Pahirapan pa rin ang nagpapatuloy na search, rescue and retrieval operation ng iba’t ibang grupo sa anim pang katao na natabunan matapos tangayin sa bangin ng malaking pagguho ang isang bahay na kinaroroonan ng mga ito sa Sumigar, Viewpoint, Banaue, Ifugao.

Ayon sa DPWH-Cordillera, dalawa sa limang mga narekober na bangkay ay mga personnel ng DPWH-Ifugao 2nd District Engineering Office na nakilalang sina Joel Chur-ig, driver at Johnny Duccog, laborer.

Nakilala naman ang dalawa pang missing ng mga engineers ng ahensiya na sina Engr. John Limoh at Engr. Julius Gulayan Jr.

Sinabi naman ni DPWH Sec. Mark Villar na gagawin ang lahat para mahanap ang mga nawawala at masuportahan ang pamilya ng mga biktima.

Samantala, isang bangkay naman ang natagpuan sa Hapid, River sa Lamut na katabing bayan ng Banaue.

Sinabi ng mga rescuers na posibleng inanod sa nasabing ilog ang bangkay mula sa ground zero sa Banaue.

Anila, walang damit at nagtamo ng maraming sugat sa katawan ang bangkay.

Nahirapan din anila sila sa retrieval operation dahil sa lakas ng agos ng tubig sa ilog.

Batay sa huling report, lima pa rin ang nasawi habang isa ang survivor sa nasabing insidente.