Inaprubahan na ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) ang retroactive application ng testing at quarantine protocols para sa mga international travelers na nagnanais na bumisita sa Pilipinas.
Sa isang statement ay sinabi ni Acting Presidential Spokesperson Karlo Nograles na inaprubahan na ng IATF ang retroactive application ng Resolution 157.
Ipapatupad na ang naturang testing at quarantine protocols sa ilalim ng IATF Resolution 157-E sa mga indibidwal na dumating sa Pilipinas bago o sa mismong araw ng Enero 13 na mula sa Green at Yellow List countries .
Papayagan din aniya ang admission sa bansa ng mga banyagang galing sa Red List countries basta’t makapagpakita lang din aniya ang mga ito ng valid o existing visa.
Magugunita na una rito ay inihayag ni Nograles na inalis na ng bansa ang pagbabawal sa pagpasok ng mga kwalipikadong manlalakbay mula sa mga bansang kabilang sa Red List, o mga lugar na may mataas na bilang ng impeksyon sa COVID-19.
Sinabi rin ng Palasyo na simula Pebrero 16, 2022, ang lahat ng dayuhang pinahihintulutang pumasok sa Pilipinas ay kinakailangang magpakita ng patunay ng buong pagbabakuna.