BACOLOD CITY – Pinawi ng city government ng Bacolod ang pangamba ng publiko kaugnay sa unang kaso ng Omicron variant ng coronavirus na naitala sa lungsod.
Ayon kay Dr. Chris Sorongon, deputy for medical ng Bacolod Emergency Operations Center, fully recovered na ang residente ng Pampanga na nagbisita sa kanyang misis dito sa lungsod nitong Disyembre 31.
Batay sa record, mula sa Miami, Florida, USA ang returning overseas Filipino at dumating ito sa Maynila noong Disyembre 15 kung saan sumailalim ito sa quarantine sa hotel.
Makalipas ang dalawang araw, nagpakita ng sintomas ang OFW kaya’t isinailalim ito sa swab test at Disyembbre 20 lumabas ang resulta na positibo ito sa COVID.
Kaagad namang ipinadala sa Philippine Genome Center ang swab sample mula sa OFW.
Matapos magnegatibo sa repeat test, nakalabas na ng hotel ang 38-anyos na OFW at lumipad papuntang Bacolod upang bisitahin ang kanyang misis na nagtratrabaho sa lungsod.
Dahil mula sa red country ang OFW, dumiretso na ito sa hotel upang sumailalim sa quarantine kasama ang kanyang misis.
Nitong Enero 1, lumabas ang whole genome sequencing na positibo sa Omicron variant ang OFW.
Kaninang umaga, isinailalim sa repeat test ang OFW kasama ang kanyang misis at inaasahang lalabas ang resulta nito ngayong gabi ngunit wala nang dinadamdam na sintomas ang OFW na nananatili pa rin sa hotel.
Ayon sa opisyal ng EOC, fully vaccinated at nakatanggap na rin ng booster shot ang misis ng OFW.