Nakaamba na umano ang balasahan o revamp sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kasunod ng mga flight delays at cancellations.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, ito ang ipinahiwatig sa Cabinet meeting kagabi ni Pangulong Rodrigo Duterte kasabay ng pagpapahayag ng pagkadismaya sa natuklasan sa ginawang surprise visit sa NAIA.
Ayon kay Sec. Panelo, iniulat naman ni Transportation Sec. Arthur Tugade ang ilang operational concerns at inihayag na kabilang sa plano para maibsan ang traffic congestion Ninoy Aquino International Airport ay ilipat ang general aviation o domestic flights sa Sangley Airbase sa Cavite.
Kaugnay nito, ipinag-utos ni Pangulong Duterte ang agarang pagsisimula ng operasyon sa Sangley Point.
“Thereafter he shared to the Cabinet Secretaries what he found out in his surprise visit at the NAIA. He expressed dismay and hinted at its revamp. Transportation Secretary Arthur P. Tugade raised some operational concerns. To ease congestion at the Ninoy Aquino International Airport, the plan to transfer general aviation or domestic flights to Sangley Airbase,” ani Sec. Panelo.
Samantala, dapat nang kumilos ang Kongreso at hanapan ng pondo ang rehabilitation at upgrade ng mga paliparan sa bansa kabilang na ang Sangley Point sa Cavite.
Pahayag ito ni Leyte Representative-elect Marin Romualdez kasunod ng utos ni Pangulong Duterte na tugunan ang congestion sa NAIA dahil sa mga flight delays at cancellations noong Linggo ng madaling araw.
Sinabi ni Romualdez na dapat magkaroon ng multi-partisan congressional report para sa modernisasyon ng mga airports.
Ayon sa kongresista, kung kailangan mang doblehin ang P10.1 billion na inilalaan para sa imprastraktura partikular na sa 40 paliparan, mainam na gawin na lamang ito. (with report from Bombo Dave Pasit)