BAGUIO CITY – Puspusan ang inspeksyon ng Department of Tourism (DOT)- Cordillera sa mga accommodation establishments sa Baguio City.
Ito’y kasabay ng patuloy na pagdami ng mga turista kung saan mahigit na sa 300 accommodation establishments na “compliant” sa health and safety protocols ang nabigyan nila ng accreditation.
Fully vaccinated na rin ang mga tourism workers ng lungsod at may guidelines na para sa mga tour operators, tour guides at mismong mga tourism sites.
Ayon sa DOT-Cordillera, ang pagdami ng mga turista ay dulot ng tinatawag na revenge tourism kung saan ang mga matagal na hindi nakapagbiyahe dahil sa pandemya ay nanggigigil ng mag-travel o magbiyahe.
Mas mabilis na rin ang pagproseso sa mga turistang may dalang sasakyan na pumapasok ng Baguio lalo na at puwedeng dumeretso ang mga ito sa hotel na may sariling triage unit kung saan sila magtse-check in.
Nabatid na nadagdagan ang triage units sa Marcos Highway at Kennon Road checkpoints matapos maobserbahan ang paghaba ng pila ng mga turista sa Central Triage ng Baguio.
Patuloy din na pinapabalik sa pinagmulan ang mga turista na kulang sa requirements o hindi sumunod sa alituntunin sa kabila ng pagnanais na umakyat ng Baguio.
Samantala, mas bumababa pa ang temperatura sa Baguio at Benguet dulot ng aktibong northeast monsoon.
Batay sa record ng PAGASA (Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration), naitala ang 6.3 degress Celsius (°C) na lowest temperature sa Baguio City noong January 18, 1961.