-- Advertisements --

Hindi prayoridad ng Kamara ngayong 18th Congress ang pag-amyenda sa Saligang Batas o Charter Change (Cha-Cha).

Ayon kay House Speaker Alan Peter Cayetano, uunahin nilang matapos ang mga revenue measures kaysa ang pagpapalit ng porma ng pamahalaan patungong federalism.

Subalit sa kabila nito, sinabi ni Cayetano na hindi naman niya pinipigilan si House Committee on Constitutional Amendment chairman Rufus Rodriguez na magsagawa ng pagdinig sa Cha-Cha.

Nauna nang inihain ni Rodriguez ang Resolution of Both Houses (RBH) No. 1, na naglalayong amyendahan ang ilang bahagi ng 1987 Constitution at palawigin ang termino ng mga kongresista mula sa tatlong taon hanggang apat na taon habang bawasan naman ang termino ng mga senador sa apat na taon.

Sa ilalim ng panukala ni Rodriguez, apat na taon ang termino ng bawat senador at maaring tumakbo sa tatlong magkakasunod na termino.

Para naman sa mga kongresista, hangad ng panukala na bigyan sila ng four-year term at pinapahintulutan pang tumakbo sa tatlong magkakasunod na termino

Samantala, ang RBH No. 2 at 3 nina Marinduque Rep. Lord Alan Velasco at Aklan 2nd Rep. Teodorico Haresco Jr., ay nagnanais namang amyendahan ang economic provisions ng Saligang Batas.