Kinumpirma ng Public-Private Partnership Center na malapit nang matapos ang isinasagawang review para sa panukalang pagsasapribado ng mga operasyon at maintenance ng EDSA Busway project.
Ito ay sa pamamagitan ng public-private partnership.
Ayon sa PPP Center, kinakailangan ng Department of Transportation na magdesisyon kung tutuloy pa sa susunod na yugto o ibabalik nito ang inihaing proposal.
Ginawa ni Jeffrey Manalo, PPP deputy executive director ang naturang kumpirmasyon sa isang event na ginanap sa Baguio City.
Inaasahan ng DOTr na i-bid out ang operations at maintenance ng EDSA Busway project sa susunod na taon.
Kamakailan ay sinabi ng ahensya na tinatapos na ang feasibility study para sa proyekto na isusumite sa National Economic and Development Authority para maaprubahan sa susunod na mga buwan.
Nauna nang sinabi ng DOTR na kabilang sa mga layuning masagot ng feasibility study ay ang desisyon kung mag-tap ng single operator para sa buong proyekto, kabilang ang parehong mga bus at busway o magdala ng dalawang magkahiwalay na operator.
Kamakailan din ay nagkaroon ng market sounding ang DOTr sa proyekto upang marinig mula sa mga potensyal na bidder mula sa grupo ng mga operator ng bus; mga tagagawa at kontratista ng bus; mga bangko; at mga institusyong pinansyal, bukod sa iba pa.
Sa kasalukuyan, ang EDSA Busway ay mayroong 21 istasyon para sa mga pickup at drop-off point mula Monumento hanggang Parañaque Integrated Terminal Exchange.