Nakahanda umanong makiusap si Sen. Ramong Bong Revilla Jr., sa Philippine National Police at Custodial Center na payagan ang mga kamag-anak ni Sen. Leila De Lima na bisitahin ito sa kulungan.
Sa sulat na ipinadala nina Senate Minority Leader Franklin Drilon, Sen. Risa Hontiveros at Sen. Francis Pangilinan kay PNP chief Police General Archie Gamboa, sinabi ng mga ito na kinumpirma ng opisina ni De Lima na hindi sila pinapayagan na makausap o bisitahin ang senador simula pa noong Abril 25.
Una nang ipinaliwanag ni PNP spokesperson Police Brigadier General Bernard Banac na pansamantalang pinagbawal ang pagbisita sa nakakulong na senador bilang isa sa kanilang hakbang para labanan ang pagkalat ng COVID-19.
Subalit ayon kay Revilla, dahil nasa ilalim na ng General Community Quarantine (GCQ) ang buong National Capital Region (NCR) simula Mayo 15 ay kailangan umanong ikonsidera ng mga otoridad ang kasalukuyang kalagayan ni De Lima.
“I have been there. Yung ang tanging hinihintay mo sa pagdating ng bukas ay makita ang mga bisita mo, magkaroon ng kausap, at ng human interaction maski papaano gaanong kalimitado man ito. Tapos, ipagkakait pa sa iyo,” pahayag ni Revilla.
“Hindi po biro ang mapag-isa sa selda,” dagdag
Sinabi pa ni Revilla na kumpyansa ito sa mga ipinapatupad na social distancing at safety guidelines ng PNP Custodial Center para sa mga preso at kanilang mga bisita.
Minsan na ring naranasan ni Revilla ang buhay sa loob ng selda matapos itong makulong dahil sa kasong plunder na may kaugnayan sa kontrobersyal na P10-billion “pork barrel” scam.
Napawalang-sala ito sa naturang kaso noong 2018 ngunit mayroon pang nakabinbing graft cases laban sa senador sa parehong scam kung saan nagbayad ito ng P480,000 upang pansamantalang makalaya.