Hindi pa rin umano makapaniwala si dating Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. na nakalaya na ito matapos ang mahigit apat na taon na pagkakabilanggo sa PNP Custodial Center.
Ayon kay Revilla, para raw itong nananaginip at patuloy umano nitong tinatanong ang kanyang sarili kung totoo bang nakalabas na ito ng kulungan.
Aminado si Revilla na napakabigat daw ng kanyang pakiramdam noong mga panahon na nasa loob pa ito ng piitan.
“Para ‘kong nananaginip, ‘Totoo ba ‘to?’ After four years, six months, halos limang taon mahigit ang nawala sa’kin,” pahayag ni Revilla. “Without God, wala, bibigay ka. Itong pangyayaring ito, ang masasabi ko lang sa ating mga kababayan, ‘pag dumating ang mga pagsubok, magpakatatag tayo. May liwanag din.”
Lubos naman ang pasasalamat nito sa lahat mga sumusuporta sa kaniya.
Una nang sinabi ni Cavite Vice Governor Jolo Revilla, anak ng senador, mula sa Camp Crame ay dederetso ang kanilang pamilya sa Imus Cathedral para ipagpasalamat ang pagkakalaya ng dating mambabatas matapos ang mahigit apat na taong pagkakabilanggo.
Mula roon ay tutuloy ang pamilya sa Angelus Memorial Gardens sa Imus para dalawin ang yumaong ina ni Bong, at bibisita naman sa kanyang amang si dating Sen. Ramon Revilla Sr. kalaunan.