Kasunod ng pagkasira ng konsulado ng Iran sa Syria dahil sa airstrike ng Israel, hinuli naman ng revolutionary guards ng Iran ang isang container ship na konektado umano sa Israel.
Hinuli ang barkong MSC Aries sa Strait of Hormus, 50 nautical miles mula sa coast ng United Arab Emirates. Ayon din sa ulat ng Iran state news agency, inililipat na ang barko sa territorial waters ng bansa.
Konektado umano ang barko sa Zodiac Maritime ship management company na parte ng pagmamay-ari ng bilyonaryong Israeli na si Eyal Ofer.
Ayon kay White House National Security Council spokesperson Adrienne Watson, ang mga crew ng barko ay Indian, Filipino, Pakistani, Russian, at Estonian Nationals. Nanawagan din ito na pakawalan na ang barko at international crew nito.
Hinimok naman ni Israeli Foreign Minister Israel Katz ang European Union na ideklara bilang teroristang grupo ang Iranian Revolutionary Guards corps at patawan ito ng parusa.