TUGUEGARAO CITY-Naglaan ang pamahalaang panlalawigan ng Cagayan ng P400, 000 na pabuya sa sinumang makakapagbigay ng impormasyon o makakapagturo sa gunman na bumaril-patay kay Richard Biraquit, punong barangay ng Sto.Domingo, Piat, Cagayan.
Sinabi ni Governor Manuel Mamba na ang pabuya ay upang mapabilis ang pagresolba sa nasabing krimen, mapanagot ang mga sangkot dito maging kung mayroong mastermind at upang hindi na maulit ang nasabing pamamaslang.
Ayon kay Mamba, may mga teorya nang iniimbestigahan ng mga otoridad sa nasabing krimen subalit kailangan ang collaboration ng mga testigo.
Dahil sa nasabing alok na pabuya ng pamahalaang panlalawigan ay P500, 000 na ang reward money.
Matatandaan na unang nang naglaan ang pamahalaang lokal ng Piat sa pamamagitan ni Mayor Nel Guzman ng P100, 000 na pabuya.
Pinagbabaril patay si Biraquit noong gabi ng Enero 23.
Si Kapitan Biraquit ay tinanghal bilang Outstanding Sugarcane Farmer noong taong 2016-2017 sa National Gawad Saka Award ng Department of Agriculture at Gintong Medalya Awardee sa Dangal ng Lahing Cagayano ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan noong taong 2019.