-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Paralisado ngayon ang pagbibigay-serbisyo ng Rural Health Unit sa Oas, Albay matapos magpositibo sa coronavirus disease ang dalawang healthcare workers.

Isinailalim sa lockdown ang naturang opisina habang kinunan ng swab test at inabisuhang mag-home quarantine ang iba pang personnel.

Una nang nagpositibo sa COVID-19 ang isang nurse na may local code na Bicol No. 78 habang kahapon naman ng lumabas na positibo ang isa pang health care worker na si Bicol No. 86.

Sinabi ni Albay Provincial Health Office head Dr. Antonio Ludovice sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nasa lockdown na muna ang RHU habang ipinagbawal din ang pagpasok maging sa municipal hall.

Nagdala na rin ng team ang PHO para sa pag-disinfect at pag-decontaminate sa lugar.

Abiso pa ni Ludovice sa mga residente na magpapakonsulta sana sa RHU na dumiretso na muna sa ibang city health office o sa mismong provincial hospital sa lugar.