-- Advertisements --

Patuloy ang pag-iimbestiga ng House Quinta Comm, na kilala rin bilang Murang Pagkain Super-Comm, sa mga rice importers upang malaman kung mayroon silang papel kaya nananatiling mataas ang presyo ng bigas sa mga palengke kahit na ang landed cost nito ay P36 kada kilo lamang.

Sa pagdinig ng komite, na pinamumunuan ni Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda, hiniling ng mga mambabatas ang mas malalimang pagsisiyasat sa posibleng sabwatan at manipulasyon ng presyo ng bigas.

Kinuwestyon ni Marikina 2nd District Rep. Stella Luz Quimbo ang pagtaya na walang ambag ang mga importer sa mataas na presyo ng bigas, gayong ganito ang sitwasyong natuklasan sa imbestigasyon  ng  House Committee on Agriculture and Food, sa pamumuno ni Quezon 1st District Rep. Mark Enverga, kaugnay sa onior cartel.

Tinukoy ni Quimbo, na siya ring acting chairperson ng makapangyarihang House Committee on Appropriations, ang pagkakatulad sa pagtaas ng presyo ng bigas at sibuyas, kung saan ang mga importer at trader ay hawak ang kontrol sa lokal at imported na suplay.

Ayon sa kinatawan ng Philippine Competition Commission (PCC) iniimbestigahan na niya ang mga importer ng bigas sa mga lugar na may mataas na inangkat na bigas ngunit hindi bumababa ang presyo nito.

Kinumpirma din niya na ilan sa mga importer na ito ay natukoy na ngunit hindi pa pinangalanan dahil nagpapatuloy ang kanilang pagsisiyasat.

Nagbabala si Quimbo sa mga importer na kinikontrol ang mga imported at lokal na stock ng bigas na kanilang nakita nang imbestigahan ang kartel sa sibuyas.

Sinang-ayunan ito ni Bulacan 2nd District Rep. Tina Pancho at tinukoy ang epekto ng pagpe-presyo ng mga importer sa supply chain.
Pero punto ni Salceda na ang imported na bigas at 22 porsyento lamang ng suplay ng bansa at ang 79 porsyento ay mula sa lokal.

Gayunman, aminado siya na kailangan na silipin pa ang financial at operational practice ng mga importer.

Katunayan ang iniimbestigahan na aniya sila ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) at Bureau of Internal Revenue (BIR) ang posibilidad ng iligal o hindi deklaradong kita ng mga importer.

Nanawagan naman si Quimbo sa PCC na isapinal na ang kaso sa ontion cartel para matindigan ang kanilang kredibilidad sa pagtugon sa mga kahalintulad na isyu sa bigas.