-- Advertisements --

Sa kabila ng patuloy na paghina sa pangkalahatang inflation na nakita noong Enero, nanatili ang mas mabilis na pagtaas ng presyo ng bigas.

Sinabi ni Philippines Statistics Authority chief Claire Dennis Mapa na ang rice inflation ay bumilis sa 22.6% noong nakaraang buwan mula sa 19.6% noong Disyembre 2023.

Ito ay isang bagong 14-year high para sa inflation rate ng food staple o ang pinakamataas mula noong Marso 2009, kung kailan naitala ang rice inflation sa 22.9%.

Ipinaliwanag ni Mapa na mataas ang presyo ng bigas sa world market.

Iniugnay din ng PSA chief ang mas mabilis na rice inflation sa mababang base effect na nakita noong Enero hanggang Hulyo 2023, kung kailan medyo mababa ang rice inflation.

Bilang paglalarawan, sinabi niya na sinusubaybayan ng PSA na ang paggalaw sa average na presyo ng tatlong pangunahing klase ng bigas – regular milled, well-milled, at special rice ay nakitaan ng P10 hanggang P11 kada kilo na tumaas year-on-year.