-- Advertisements --
farmers
Farmer/ DA FB page

LEGAZPI CITY – Bigo umano ang pamahalaan na tuparin ang mga ipinangako bago ang pagsasabatas ng Rice Liberalization Law, ayon sa ilang grupo ng mga magsasaka sa Pilipinas.

Tinatalakay sa naturang batas ang malayang pag-aangkat ng bigas ng mga traders sa layuning mapababa ang mahal na presyo nito sa merkado habang paglalalaanan naman ng P10 billion Rice Competitiveness Enhancement Fund upang makasabay sa kompetisyon ang mga local farmers.

Sinabi ni Bantay Bigas spokesperson Cathy Estavillo sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na salungat sa nilalayon ang naging epekto lalo na sa pagsadsad ng presyuhan ng palay sa mga local traders.

Lumalabas aniyang mistulang napabayaan ng gobyerno ang industriya ng bigas sa bansa habang hindi rin napo-protektahan ng 25% na taripa na ipinapataw sa imported rice ang mga ito.

Higit na nagpahirap pa umano sa sitwasyon ng nasa 2.7 million na mga magsasaka ang nakataling kamay ng National Food Authority (NFA) na magtatakda sana kung magkano at kailan mamimili ng mga produkto ng local farmers subalit hanggang buffer stock na lamang para sa kalamidad ang papel nito.

Kaugnay nito, hiling ng grupo na i-review at i-repeal ang naturang batas.

Kahapon nang magsagawa rin ng pagdinig sa naturang isyu ang Senate Committee on Agriculture and Food.