CAUAYAN CITY- Pinangangambahan ng Rice Millers Association Region 2 na magpatuloy ang pagbagsak ng rice mill industry sa bansa dahil sa pagbuhos ng imported rice sa merkado .
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay G. Ernesto Subia, pinuno ng Rice Millers Association Region 2 sinabi niya na hindi na gaanong bumibili ngayon ng biigas ang mga rice millers sa Isabela at Nueva Ecija dahil maraming mga wholesalers sa Metro Manila ang mas nais na magbenta ng imported rice kaysa sa local rice dahil sa mas murang presyo.
Aniya, may kakayahan ang pamahalaan na mapigilan ang pagdagsa o pagdating ng mga imported na bigas tuwing anihan subalit hindi umano ito ginagawa sa kabila nang panawagan ng ilang grupo ng magsasaka na itigil na ang importasyon ng bigas.
Ayon kay G. Subia dahil sa unti-unting bumabagsak ang rice mill industry sa bansa kaya dapat nang manghimasok ang pamahalan at ang Department of Agriculture para bilhin ang mga aning palay ng mga lokal na magsasaka.
Marami anyang mga rice millers ang nawalan na ng ganang bumili ng palay dahil sa naranasang pagkalugi noong nakaraang anihan matapos na bilhin sa halagang 20 pesos hanggang 20.50 pesos ang per kilo ng palay.
Sa ngayon ay nasa uumigit kumulang 20 rice millers sa Isabela ang aktibong bumibili ng aning palay ng mga magsasaka habang nasa halos dalawampu na ang nagsara.
Sa kasalukuyan ay naglalaro lamang sa Php14.00 hanggang Php14.50 ang presyo ng bawat kilo ng sariwang palay dito sa lalawigan ng Isabela.