CENTRAL MINDANAO – Fully operational na ang rice processing center na proyektong pinondohan ng Department of Agriculture (DA-12) para sa mga magsasakang nakabase sa Barangay San Isidro, Kidapawan City.
Ito ay matapos ang final testing na pinangunahan ng mga magsasaka kasama ang mga barangay officials ng San Isidro.
Dumalo sa aktibidad si Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista upang makita mismo ang produktong bigas mula sa nabanggit na pasilidad kasama si City Councilor Galen Ray Lonzaga.
Nagkakahalaga ng P6 million ang naturang rice processing center kung saan naglaan ng counterpart ang city government of Kidapawan ng pondong abot sa P1.4 mipllion electrification ng pasilidad, ayon kay City Agriculturist Marissa Aton.
Sinabi ni Aton na malaking tulong ang hatid ng pasilidad sa mga magsasaka dahil mas mapapalakas nito ang produksyon ng bigas, mababawasan ang production losses at mas lalaki ang kanilang kita.
Pinasalamatan naman ni Aton ang mga mgasasaka sa patuloy na suporta sa mga programa ng DA12 at ng City Government of Kidapawan para sa kanilang hanay.
Bilang tugon, ipinarating ni San Isidro Barangay Chairman Dionisio Wanal, Sr. at ng mga beneficiaries ang kanilang pasasalamat kay Mayor Evangelista sa patuloy nitong pagsisikap upang matugon ang mga pangangailangan ng agriculture sector sa kabila ng pandemiya ng COVID-19.