KALIBO, Aklan—Umapela ang Department of Agriculture region VI sa mga magsasaka na tanggapin ang mga pagbabago sa pagtatanim upang hindi mapako sa traditional na pagsasaka.
Ito ang naging mensahe ni Regional Executive Director Dennis Arpia matapos na pinasinayaan ang Rice Processing System sa Aklan Grains Processing Center sa Barangay Nalook sa bayan ng Kalibo, Aklan.
Si Arpia ay isa sa mga panauhing pandangal sa pagbubukas ng isang high-tech na gilingan ng palay na ibinahagi ng Department of Agriculture sa pamamagitan ng PHilMech.
Ayon pa sa nasabing opisyal, kaakibat ng moderno na pasilidad at mga farm machineries ay ang hamon sa mga magsasaka na mapataas ang kanilang ani.
Magagawa lamang ito kapag yakapin ng mga magsasaka ang moderno na pagtatanim mula sa traditional na nakasanayan ng lahat.
Sa kasalukuyang panahon aniya ay hindi na maaari na hindi gumamit ng mga de-kalidad na abono at pesticide ang mga magsasaka kung naisin ng mga ito na mapataas ang kanilang ani.
Kaugnay nito, ipinangako ni Arpia na nananatili ang kanilang commitment sa pagtulong at pagbibigay suporta para alalayan ang mga magsasaka sa mga pagbabago ng pagtatanim.
Nabatid na ang Rice Processing System ay nagkakahalaga ng P50 million pesos at kayang gumiling ng tatlo hanggang apat metrikong tonelada ng palay bawat oras na pamamahalan ng Aklan provincial government.