Iginiit ng grupo ng magsasaka na kaduda-duda ang projection ng National Irrigation Administration (NIA) na makakamit ng Pilipinas ang rice sufficiency sa 2028.
Ayon kay Sinag executive director Jayson Cainglet, ang nasabing projection ng ahensya ay dapat na sinasamahan ng mga pangmatagalang aksyon.
Matatandaang sinabi ni NIA administrator Eduardo Guillen na makakamit ng Pilipinas ang rice sufficiency sa 2028 dahil tataas ang mga lugar para sa irigasyon habang inaasahang tataas ang produksyon ng palay ngayong taon sa kabila ng El Niño phenomenon.
Sinabi ni Cainglet na ang mga magsasaka ay maaaring magtanim ng tatlong beses sa isang taon hangga’t may irigasyon.
Nanindigan si Cainglet na hindi aabutin hanggang 2028 para matamo ng bansa ang rice sufficiency kung maaayos ang sistema ng irigasyon at may magandang drought-resistant varieties.
Kung ang tubig ay magagamit para sa irigasyon sa buong taon, ang ani ng mga magsasaka ay maaaring tumaas ng 30 porsiyento kada ektarya.
Ito aniya, ay tutugon sa 20 porsiyentong agwat sa produksyon na kasalukuyang inaangkat ng bansa.
Nauna nang sinabi ng Department of Agriculture na ang produksyon ng palay ay umabot sa record high na 20.06 million metric tons noong 2023.