-- Advertisements --

Bumagsak ng 70% ang koleksyon ng pamahalaan sa taripa ng bigas nitong buwan ng Enero.

Batay sa report na inilabas ng Bureau of Customs (BOC), umabot lamang sa P1.43 billion ang nakulektang taripa nitong nakalipas na buwan.

Ito ay mas mababa ng P3.31 billion kumpara sa P4.74 billion na nakulekta ng BOC noong Enero ng nakalipas na taon.

Paliwanag ng ahensiya, bumaba sa 330,501 metriko tonelada ang bulto ng bigas na inangkat sa nakalipas na buwan mula sa dating 474.194 MT noong January 2024.

Pinaniniwalaang ang pagbaba ng bulto ng inangkat na bigas ay dahil na rin sa mataas na ‘carry-over stocks’ o stock ng bigas na hindi naibenta sa nakalipas na taon at naitawid pa ngayong taon.

Ito ay dahil na rin sa record-high na volume ng bigas na inangkat noong 2024 na umabot sa 4.8 million MT.

Maalalang noong nakalipas na taon ay naitala rin ng BOC ang record-high na collection sa taripa ng bigas na umabot sa P34 billion, kasunod ng malaking bulto ng bigas na inangkat na sinamahan pa ng mas mataas na shipment valuation at mas mababang halaga ng piso.

Bahagi ng taripang nakukulekta ng pamahalaan ay ginagamit bilang pondo/assistance para sa mga magsasaka ng bansa sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund.