-- Advertisements --

TUGUEGARAO CITY – Ikinalungkot ng Bantay Bigas Group ang tuluyang paglalagda ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa implementing rules and regulations (IRR) ng Rice Tariffication Law.

Sa panayam ng Bombo Radyo Tuguegarao, sinabi ni Cathy Estabillo, tagapagsaila ng nasabing grupo, na magdudulot lamang ang naturang batas ng malawakang pagkalugi at kagutuman sa mga magsasaka.

Tiyak na mararamdaman daw ang epekto nito sa darating na buwan ng Setyembre matapos tanggalin ang kapangyarihan ng National Food Authority na i-regulate ang presyuhan ng bigas sa merkado.

Muli niyang iginiit na hindi sila naniniwala na bababa ang presyo ng bigas kung babaha ang imported na bigas gaya ng langis na isinailalim sa trade liberalization.

Dahil dito, gumagawa ng kaukulang hakbang ang grupo para kuwestiyonin at ipawalang bisa sa Korte Suprema ang nasabing batas na umano’y lalong magpapahirap sa mga magsasaka.