-- Advertisements --

Kukuwestiyunin ng mga empleyado ng National Food Authority (NFA) ang Rice Tariffication Law sa Korte Suprema dahil sa posibleng epekto ng bagong batas na ito sa kanilang trabaho.

Sa isang panayam, sinabi ni NFA Employees Association (NFAEA) Central Office President Maximo M. Torda na maghahain sila ng petisyon sa Kataas-taasang Hukuman sa darating na Mayo para kuwestiyunin ang legislative history ng batas.

Naniniwala si Torda na bukod sa posibileng mawalan ng trabaho ang marami sa mga empleyado ng NFA, tinanggal din daw ng Rice Tariffication law ang lahat ng “effective” safeguard measures sa pag-aangkat ng bigas.

Bukod dito, inaalis din nito ang supervising authority ng NFA sa food security ng bansa.

Ayon kay Torda, maliban sa petisyong ihahain nila sa Supreme Court, marami pa aniyang ligal na mga hakbang ang gagawin ng iba’t ibang stakeholders sa rice-industry sa mga susunod na linggo laban sa bagong batas na ito.

Gayunman, iginiit ng opisyal na dahil sa election ban, hindi maaring magtanggal ngayon ng mga empleyado sa NFA.

Nakikita naman daw niya itong magandang pagkakataon para mapag-usapan ng husto ng ahensya ang kanilang reorganization at restructuring para magampanan ang bagong mandato sa ilalim ng bagong batas.