-- Advertisements --

VIGAN CITY – Nakahanda umanong humarap sa mga pagdinig si Department of Agriculture (DA) Sec. Manny Piñol upang ipagtanggol ang pinirmahang Rice Tarrification Law ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ay kung mayroong mga maghahain ng petisyon laban sa bagong batas, lalo na ang mga nagsasabing hindi maipapamahagi sa mga magsasaka ang pondo na kukunin sa mga babayarang taripa sa bawat pag-angkat ng bigas mula sa ibang bansa.

Agriculture Sec. Emmanuel Piñol

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Piñol na mas maganda umano kung mayroong mga petisyong maihain nang sa gayon ay mabigyan sila ng pagkakataon na ipaliwanag nang mabuti kung ano ang benepisyong hatid ng batas.

Kasabay nito ay tiniyak ni Piñol na matutupad kung ano ang nakalagay sa batas na pinirmahan ni Pangulong Duterte dahil kung hindi ay siya naman umano ang mananagot.

Maliban pa dito, sinabi pa ng kalihim na tututukan niya ang pamamamahagi ng nasabing pondo sa mga kuwalipikadong benepisyaryo nang sa gayon ay walang mangyaring aberya.