Bidang bida ang Spaniard na si Ricky Rubio sa panalo ng Utah Jazz laban sa Oklahoma City Thunder, 115-102, upang umabanse sila sa serye 2-1 sa first round ng NBA playoff.
Nagtala si Rubo ng kanyang triple-double performance upang ibigay sa Jazz ang record sa unang nakalipas na 17 taon.
Kumamada si Rubio ng 26 points, 11 rebounds at 10 assists.
Maging si Utah coach Quin Snyder ay humanga sa naging istilo ni Rubio na pagiging agresibo at pag-atake sa goal.
Nagpalakas pa ng loob kay Rubio, na nasa ikatlo pa lamang ng kanyang playoff game sa pitong taon niyang NBA career, ay ang suporta na mga fans na minsan ay isinisigaw ang kanyang pangalan.
Gumana rin sa kanyang opensa si Donovan Mitchell na nagdagdag ng 22 points para ibigay sa Utah ang 2-1 lead.
Samantala sa panig ng Thunder nasayang ang nagawa nina Paul George na umiskor ng 23 at sina Carmelo Anthony, Russell Westbrook at Raymond Felton na may tig-14 points sa laro.
Nabitin si Westbrook sa kanya sanang ninth playoff triple-double nang iposte niya ang 11 rebounds at nine assists.
Muling magsasalapukan ang dalawang karibal na team sa Martes sa teritoryo pa rin ng Utah.