LEGAZPI CITY – Mahigpit ang paalala ng mga otoridad sa publiko lalo na sa mga motorista na mag-ingat sa kanilang pagmamaneho.
Kasunod ito ng panibago na naman na aksidente na naitala sa Barangay Rangas sa bayan ng Juban, Sorsogon kung saan sangkot ang isang van at motorsiklo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Police Senior Sgt. Arnel Jabita, Assitant investigator ng Juban Municipal Police, binabaybay ng van ang direksyon papuntang Irosin mula sa bayan ng Juban ng mapunta sa linya nito ang kasalubong na motorsiklo.
Sa bilis ng pangyayari hindi na nakailag pa ang van sa kasalubong na motorsiklo at tuloyan ng nagkabanggaan ang dalawang sasakyan.
Sugatan ang hindi na pinangalanan pang rider ng motorsiklo na nasa kritikal pa rin ang kondisyon at naka-confine sa ospital.
Nakikipagtulongan naman umano ang driver ng van sa imbestigasyon ng mga otoridad.
Hinihintay pa sa ngayon ang desisyon ng pamilya ng rider kung magsasampa ng kaso sa driver ng nakabanggaang van o magkakaroon na lamang ng settlement.