BAGUIO CITY – Patay ang isang motorcycle rider matapos maipit sa nangyaring vehicular accident sa pagitan ng isang motorsiklo at elf truck sa MRR Queen of Peace, Baguio City kagabi.
Nakilala ang rider na si Gilbert Mendoza, 31-anyos, empleyado ng isang punerarya, tubo ng Zamboanga City at residente ng La Trinidad, Benguet.
Batay sa inisyal na impormasyon, parehong binabaybay ng dalawang sasakyan ang nasabing kalsada patungo ng direksion ng Palma Street kung saan nasa unahan ang motorsiklo.
Gayunman, nagkaroon umano ng mechanical defect o loose break ang elf truck kaya binangga nito ang motorsiklo hanggang sa maipit ang biktimang rider sa isang sementadong pader.
Sa pagresponde ng mga otoridad, nadatnan nila ang nakahandusay at duguang katawan ng biktima na nagtamo ng malubhang sugat, kung saan lumabas ang bituka at utak nito.
Nakilala ang biktima sa pamamagitan ng mga IDs na nakalagay sa bag nito.
Agad namang itinakbo sa pagamutan ang driver ng truck at kasama nitong pasahero.
Kinumpiska ng mga otoridad ang lisensia at OR/CR ng elf truck para sa ebidensia habang patuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad sa insidente.