CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang rider matapos mahagip ng provincial bus sa kahabaan ng Maharlika Highway na bahagi ng Barangay Batal, Santiago City.
Ang nakahagip na Florida Bus ay minamaneho ng isang apatnaput anim na taong gulang na tsuper na residente ng Piat, Cagayan.
Ang itim na Honda TMX 125 ay minamaneho naman ng isang dalawamput dalawang taong gulang na binata, construction worker at residente ng Barangay Divisoria, Santiago City.
Batay sa imbestigasyon ng mga otoridad, binabaybay ng mga sangkot na sasakyan ang daang Maharlika mula sa magkasalungat na linya nang marating ang lugar kung saan naganap ang aksidente ay bigla umanong umagaw ng linya ang Provincial Bus dahilan para mahagip ang kasalubong na motor na minamaneho ng biktima.
Dahil sa banggaan ay nagtamo ng malubhang sugat sa ulo at katawan ang biktima na naging dahilan ng agaran nitong pagkasawi.
Nagkasundo na lamang ang magkabilang panig na magbibigay ng financial assistance ang tsuper sa pamilya ng biktima kapalit ng hindi na pagsasampa pa ng kaso ng mga ito.