-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Itinuring ng pulisya na ‘rido’ o matagal na awayan ng pamilya ang pinakamabigat na dahilan kung bakit napaslang ang aktibong barangay konsehal gamit ang bitbit na M-16 rifle nito na biglang inagaw ng suspek sa Dimayon,Nunungan,Lanao del Norte.

Unang kinilala ang biktima na si Rebucon Barangay Kagawad Otar Bada Alamada habang natukoy rin ang suspek na si Adam Mamorasa na taga-Sultan Naga Dimaporo na lahat nakabase sa probinsya.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Police Regional Office 10 spokesperson Major Joann Navarro na mayroon umanong matagal at malalim na alitan ang magkabilang panig kaya humantong sa madugo na pangyayari.

Sinabi ni Navarro na unang dumalaw si Otar sa kanyang mga kaanak sa Barangay Dimayon subalit hindi inaasahan na biglang lumitaw si Mamorasa ay kinuha ang dala nito na M-16 at pinapaulanan ng mga bala kaya agad binawian ng buhay.

Hindi na nakontento ang suspek at dinamay pa nito ang dalawang residente kaya nagka-agawan ng baril hanggang sa matadtad ng mga bala na nagresulta ng pagkasawi.

Kaugnay nito,inihanda pa rin ng pulisya ang kasong murder dahil batay sa salaysay ng ilang testigo ay mayroon pa lang kasama nang inatake ang barangay opisyal noong nakaraang linggo.

Magugunitang na-rekober ng pulisya mula sa crime scene ang cartridge cases mula sa caliber M-16 rifle at 30mm rifle.