-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Pinuri ng militar at pulisya pagwawakas ng deka-dekadang alitan ng dalawang armadong pamilya sa hangganan ng Wao Lanao del Sur at Banisilan sa North Cotabato .

Sinabi Major Fernando Lawi-an, Executive Officer ng 34th Infantry Infantry (Reliable) Battalion Philippine Army na naging matagumpay ang negosasyon sa grupo nina Kumander Bobby Rajamuda at Kumander Medaila Tanda na itigil na ang awayan na umano ay nagsimula pa noong dekada 80 at muling sumiklab noong 2011 na nagresulta sa maramihang pagkamatay ng magkaparehong pamilya at ikinadamay pa ng mga inosenteng iba pa.

Ayon kay Lawi-an, malaking pagbabago ang inaasahan ng lahat sa paglagda ng mother agreement na nagbibigay hudyat sa pagtigil ng iringan ng dating magkalabang grupo upang makamit na ang kapayapaan at maisulong ang mga programang pang-kaunlaran sa mga nabanggit na lugar. Nakahanda din umano ang kanilang hanay sa pagtitiyak na masunod ang nilagdaang kasunduan pinirmahan ng apat na lider mula sa angkan ng Rajamuda, Mantitayan at Tidong na nangakong ibabalik na ang dating magandang relasyon at hindi na sila muling mag-aaway.

Pinuri naman ni Cotabato Governor Nancy Catamco ang mga grupong nagkasundo at piniling tahakin ang daan tungo sa kapayapaan at kaunlaran.

Nangako ang gobernadora na tutulong ang pamahalaang panlalawigan ng Cotabato sa pagtitiyak na mapanatili ang integridad ang nilagdaang kasunduan at mangibabaw ang kapayapaan sa nasabing lugar.

Kabilang sa napagkasunduan na kalimutan na ang poot at mga hinanakit at inatras na rin ang mga kasong inakyat sa korte sa pamamagitan ng pagpirma ng affidavit of desistance at ito ay walang sangkot na “blood money”.

Sumaksi din sa naturang kasunduan ang mga matataas na opisyal mula sa Lanao del Sur at North Cotabato. Dumalo sa pagtitipon sina Lanao del Sur Governor Mamintal Bombit Adiong,, Wao Elvino Balicao Jr., Banisilan Mayor Jesus Alisasis, mga kinatawan mula sa Philippine National Police, CCCH, MNLF, BARMM 63 Barangays Administrator BM Kelly Antao at marami pang iba.