Pinaiimbestigahan ng isa sa mga pinuno ng Young Guns ng Kamara de Representantes ang umano’y iregularidad sa bidding para sa P8 bilyong halaga ng laptop at iba pang e-learning materials sa ilalim ng Department of Education’s (DepED) Computerization Program sa panahon ng pamumuno ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay House Assistant Majority Leader at Ako Bicol Partylist Rep. Jil Bongalon, vice chairman ng House Committee on Appropriations, naglaho ang sana ay P1.6 bilyong matitipid ng gobyerno mula sa naunang bidding ng proyekto.
Sa ginanap na pagdinig ng Mababang Kapulungan noong Lunes sa panukalang P793.18 bilyong badyet ng DepEd, sinabi ni Bongalon na posibleng nagkaroon ng iregularidad sa bidding ng P8 bilyong sa pagbili ng mga laptop na dalawang beses isinalang sa bidding.
Dahil walang tumutol, inaprubahan ng House Committee on Appropriations ang mosyon ni Batangas 2nd District Rep. Gerville “Jinky” Luistro na maglabas ng subpoena duces tecum para sa DepEd.
Sa pagdinig, binanggit ni Bongalon kay Education Secretary Juan Edgardo Angara ang nakakabahalang usapin ng pagbili ng mga laptops at kagamitan para sa pampublikong paaralan noong 2022 at 2023, na problemang kanyang minana bilang kahalili ng Bise Presidente.
Ayon kay DepEd Undersecretary Gerard Chan sa unang bidding ay dalawa lamang sa 16 na proyekto ang naipagkaloob, habang ang nalalabing 14 na disqualified bidders ay muling binigyan pagkakataon na mag-rebid.
Sinabi pa ni Bongalon na ayon sa natanggap na impormasyon ng kaniyang tanggapan, nasa 24 porsiyento ang pagitan ng pagkakaiba sa presyo ang naitala sa unang bidding.
Nakakagulat pa ayon kay Bongalon na sa rebidding, ang pagkakaiba ng presyo ay bumababa ng hanggang sa 1% na lamang, dahilan upang masayang ang sana ay P1.6 bilyong matitipid ng gobyerno.
Si Chan ang humalili sa mga dating Undersecretaries ng DepEd na sina Michael Poa at Gloria Mercado.
Sa kasalukuyan si Poa ay kasama ni Duterte sa Office of the Vice President bilang tagapagsalita, habang nag-avail ng maagang pagreretiro si Mercado.
Isa pang opisyal ng DepEd na isinasangkot sa umano’y manipuladong bidding ang nagbitiw na, si dating Assistant Secretary Francis Cesar Bringas.
Sinabi ni Chan na sa panahon ng unang bidding, si Bringas ang chairman ng Bids and Awards Committee, at si Mercado ang Head of the Procuring Entity (HOPE).
Ang dalawa aniya ay kapwa wala na ngayong kaugnayan sa DepEd.
Ayon pa kay Chan, ang pumalit kay Mercado bilang HOPE sa ikalawang bidding ay si dating DepEd Undersecretary Michael Poa, na ngayo’y tagapagsalita ni VP Duterte.
Pinipilit ni Bongalon si Chan na magbigay ng paliwanag kung bakit kinailangan na ipagpatuloy ang bidding para sa pondo ng computerization program, at bakit bumaba nang malaki ang pagkakaiba ng presyo mula sa 24% sa unang bidding hanggang sa 1% sa rebidding, na hindi naman masagot ni Chan.
Naniniwala si Bongalaon ang posibilidad na ang ilan sa mga miyembro ng Bids and Awards Committee (BAC) noon o ng Head of the Procuring Entity (HOPE) ay maaaring may kinalaman sa iregularidad sa bidding.