-- Advertisements --

Hindi nakikitang sapat na dahilan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang ‘right to innocent passage’ sa mga foreign vessels para iligal na makapaglakabay sa exclusive economic zone (EEZ) ng bansa ang mga dambuhalang barko ng Chinese Coast Guards (CCG).

Ayon kay Philippine Coast Guard Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, ang mga iligal na presensya at behavior ng mga barko ng China ay hindi aniya masasaklaw sa ilalim ng kategoryang ito.

Unang dahilan nito ay hindi naman tuloy-tuloy ang nagiging paggalaw ng barko ng China sa bahaging ito ng West Philippine Sea (WPS) at hindi rin ito ‘expeditious’.

Madalas kasing namamataan sa iba’t ibang bahagi ng WPS ang mga barko ng mga CCG kaya hindi ito maituturing na isang paglalakbay o passing through sa katubigan ng Pilipinas.

Sumunod dito, pangalawang dahilan naman para kay Tarriela ang nagiging paghahamon umano ng mga ito sa mga personnels ng PCG.

Aniya ito raw ang daan ng chinese government para sabihin na lehitimo ang ikinakasa nilang law enforcement sa katubigan ng WPS.

Samantala, naniniwala at naninidigan naman ang PCG na ang mga iligal na presensya na ito ng CCG ay intensyonal at mananatiling labag sa arbitral ruling ng The Hauge.