Nanindigan ang Malacañang na may karapatan ang gobyerno ng Pilipinas na pagbawalan ang sinumang banyagang papasok ng bansa kung gugustuhin nito.
Tugon ito ni Presidential Spokesman Salvador Panelo matapos lumutang ang balitang inimbitahan ni Vice President at Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD) co-chair Leni Robredo si dating Human Rights Watch Deputy Director Phelim Kine para hingan ng payo kaugnay sa anti-illegal drugs campaign ng Pilipinas.
Sinabi ni Sec. Panelo, hindi na kailangan ng “grounds” o dahilan para i-ban si Kine na makapasok sa Pilipinas.
Ayon kay Panelo, bilang isang banyaga ay isang prebilihiyo lamang kung papayagan siyang makabisita sa Pilipinas at pwede rin itong bawiin ng estado.
Magugunitang hindi nagustuhan ng Malacañang ang inihayag ni Kine sa social media kung saan nakasaad dito na ang unang payo niya para kay VP Robredo bilang bagong drug czar ay arestuhin si Pangulong Rodrigo Duterte.
Payo ni Sec. Panelo, mas magandang mag-unpacked na si Kine dahil tiyak na hindi nila ito papayagang makapasok sa bansa matapos nitong tawagin ang Pilipinas bilang murderous country.