Target umano ng WBO bantamweight champion na si John Riel Casimero na patulugin sa loob ng tatlong rounds ang beteranong Cuban boxer na si Guillermo Rigondeaux.
Sa ulat ni Bombo international correspondent Dr. John Melo mula sa Hyatt Regency sa Los Angeles sa ginanap na final press conference, harapang ipinagmalaki ng 31-anyos na Pinoy champion na tuluyan na raw magreretiro sa kanyang kamay ang dating two-time gold medalist sa Olympics.
Tinawag naman ni Rigondeaux, 40, si Casimero na “payaso” at dapat daw patunayan nito sa itaas ng ring ang pagyayabang.
Ayon naman sa isa sa mga trainer ni Casimero (30-4, 21 KOs) na si Nonoy Neri, may kalalagyan si Rigondeaux (20-1, 13 KOs) dahil ang Pinoy ang itinuturing ngayon sa dibisyon na pinakamalakas sumuntok dahil sa taglay na power punch.
Sinabi naman ng ring announcer ng MP Promotions na si Mark Luntayao, anim na kalaban na ang magkasunod na pinatulog ni Casimero at isusunod nilang biktima ay ang Cuban legend.