-- Advertisements --

Isasagawa ang Rite of Sealing sa kabaong ng namayapang lider ng Simbahang Katolika na si Pope Francis mamayang alas-8:00 ng gabi, ngayong Biyernes, Abril 25 oras sa Vatican o alas-2:00 ng madaling araw ng Sabado, Abril 26 sa Pilipinas.

Idaraos ito sa isasagawang liturgical rite na papangunahan ng Camerlengo ng Holy Roman Catholic Church na si Cardinal Kevin Farrell sa St. Peter’s Basilica kung saan nakalagak ang labi ni Pope Francis.

Dadaluhan naman ito ng ilang Cardinals at mga opisyal ng Holy See.

Hiniling naman ng Office for the Liturgical Celebrations ang presensiya nina Cardinals Giovanni Battista Re, Pietro Parolin, Roger Mahony, Domenique Mamberti, Mauro Gambetti, Baldassare Reina, at Konrad Krajewski sa isasagawang Rite of Sealing ng kabaong ni Pope Francis.

Kabilang naman sa maga-assist sa naturang seremoniya sina Archbishop Edgar Peña Parra, Archbishop Ilson de Jesus Montanari, Monsignor Leonardo Sapienza, Canons of the Vatican Chapter, Ordinary Minor Penitentiaries of the Vatican, ang secretaries ni Pope Francis, at iba pang in-admit ng Master of Pontifical Liturgical Celebrations na si Archbishop Diego Ravelli.

Ang naturang liturgical rite naman ang marka ng pagtatapos ng public viewing sa St. Peter’s Basilica, kung saan mahigit 90,000 katao ang nagbigay pugay sa huling sandali sa pumanaw na Santo Papa.

Samantala, isasagawa ang funeral mass para sa yumaong Santo Papa bukas, araw ng Sabado, Abril 26 sa oras na alas-10:00 ng umaga sa St. Peter’s Square o alas-4:00 ng hapon ng Sabado, oras sa Pilipinas.