-- Advertisements --

Nilinaw ng pamunuan ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na hindi madali ang proseso ng testing sa mga pinaghihinalaang kaso ng novel coronavirus disease (COVID-19) sa Pilipinas.

Tugon ito ng ahensya sa mga ulat na maaari ng magpa-test ng COVID-19 ang sino mang makakaramdam ng sintomas ng sakit.

Ayon kay Dr. Celia Carlos, direktor ng RITM, dumadaan sa iba’t-ibang klase ng test ang isang patient under investigation (PUI) bago nalalaman kung negatibo o positibo sa COVID-19.

Limitado rin daw muna kasi sa ngayon ang test kits para sa 2,500 test.

Pero simula noong nakaraang linggo ay sinimulan na rin daw nila ang procurement ng test kits sa local distributors.

Sa kabila nito, inanunsyo ng ahensy na mas mapapabilis na ang pagkumpirma sa mga kaso dahil hindi na lang RITM ang magsasagawa ng test.

Pumasa kasi sa kaukulang training ang limang subnational laboratories sa bansa na pwedeng mag-run ng COVID-19 test.

Kabilang sa mga ito ang San Lazaro Hospital at Lung Center of the Philippines sa Maynila; Baguio General Hospital and Medical Center sa Northern Luzon; Vicente Sotto Memorial Medical Center sa Visayas; at Southern Philippines Medical Center sa Mindanao.

Ayon naman kay WHO Philippines country representative Dr. Rabindra Abeyasinghe, katuwang ngayon ng gobyerno ang United States Agency for International Development sa pagbili ng test kits.

Katunayan may 5,000 test kits daw na dumating noong nakaraang linggo, at may darating pa na next batch sa susunod na linggo.

Nahihirapan lang daw ang gobyerno sa procurement dahil sa laki ng demand ng test kits sa buong mundo.